Friday, October 3, 2008

MULA PIEDRAS PLATAS TUNGONG PAYATAS
Pambansang Panayam sa Pagtuturo ng mga Bagong Kasanayang Pampanitikan

Mula sa mga mitikong pakikipagsapalaran ng mga prinsipe sa kumbensyunal na panitikan hanggang sa masalimuot na realidad ng pagtatanghal ng buhay sa burak, may higit na lawak ang tanawin ng imahinasyon ng ating panitikan. Ating pag-aralan at pagmunihan ang mga posibilidad na inihaharap sa atin ng mga bagong teksto lalo na sa panahong ito na hinahamon ang ating kolektibong identidad ng globalisasyon at ng mabilisang pagbabago at pag-usad ng teknolohiya.

Sa pagdalo sa panayam, inaasahang mabigyan ng kaalaman ang mga guro tungkol sa: pag-unlad ng mga anyo ng panitikan—tula, kuwento at nobela, dula, sanaysay at mga makabagong anyong pang-media; iba’t ibang estratehiya at oryentasyon sa pagtuturo ng mga naturang anyo; at sa mga bagong materyal na magagamit sa pagtuturo ng Panitikang Filipino at makapagtaguyod ng mga bagong kaisipan sa pagtuturo.

Gaganapin ang tatlong araw na panayam sa Bulwagang Escaler ng Science and Engineering Complex A (SEC A) ng Pamantasan ng Ateneo de Manila mula ika-22 hanggang ika-24 ng Abril, 2009 (Miyerkules hanggang Biyernes).


Pagpapatala at Pagpapareserba

Tatlong libong piso (P3000) ang itatakdang halaga sa bawat gurong lalahok sa panayam. Saklaw ng halagang nabanggit ang mga pagkain, sertipiko ng pakikilahok, at kit (na naglalaman ng mga papel na tatalakayin sa panayam at materyales gaya ng mga halimbawang lesson plan at pagsusulit). Magbibigay ng limangdaang pisong (P500) diskwento kung magpapareserba at magbabayad bago mag ika-1 ng Abril, 2009 (Biyernes).

Para sa mga nangangailangan ng matutuluyan ng 2 gabi, maaari silang tumuloy sa Institute of Social Order (ISO) Complex. Ang halaga ng bayarin para dito ay walong daang piso (P800) na idadagdag sa butaw sa panayam. Dahil limitado ang bilang ng maaaring tumuloy dito, paiiralin ang first-come, first-served na patakaran.


Palatuntunan

UNANG ARAW

800-900

Pagpapatala

900-930

Pambansang Awit at Pagbati

930-1000

PAMBUNGAD

1000-1030

Meryenda

1030-1130

TULA · Dr. Benilda S. Santos

2007 Metrobank Outstanding Teacher

2004 Gawad Alagad ni Balagtas

1130-1200

PAKITANG-TURO 1: TULA · Prop. Alwynn Javier

1200-130

Tanghalian

130-230

PAGTATANGHAL 1: TULA

230-300

Meryenda

300-400

MAIKLING KUWENTO · Prop. Alvin B. Yapan

2007 National Book Award sa Nobela

2008 Gawad Urian Para sa Maikling Pelikula

400-430

PAKITANG-TURO 2: NOBELA AT MAIKLING KUWENTO · Prop. Gary C. Devilles

IKALAWANG ARAW

800-830

Pagpapatala

830-930

DULA · Dr. Jerry C. Respeto

2004 Fellow United Board for Christian

Higher Education in Asia

930-1000

PAKITANG-TURO 3: DULA

1000-1030

Meryenda

1030-1130

PAGTATANGHAL 2: DULA

1130-100

Tanghalian

100-200

SANAYSAY · Prop. Michael Coroza

2007 Parangal ng SEAWrite

200-230

PAKITANG-TURO 4: SANAYSAY · Prop. Edgar C. Samar

230-300

Meryenda

300-400

MGA BAGONG ANYONG PANGMEDIA

· Dr. Rolando B. Tolentino

Dating Direktor, Adarna Film Institute (UP)

Miyembro ng Manunuri ng Pelikulang Filipino

400-430

PAKITANG-TURO 5: MGA BAGONG ANYONG PANGMEDIA

· Prop. Yolando B. Jamendang

IKATLONG ARAW

800-830

Pagpapatala

830-930

PAGTATANGHAL 3: MAIIKLING PELIKULA

930-1030

Meryenda / Maagang Tanghalian

1030-1130

PANGWAKAS NA PROGRAMA



Mga Tagapanayam

Guro ng Panitikan sa Pamantasang Ateneo de Manila, tagasaling-wika at mananalaysay si G. MICHAEL COROZA. Awtor siya ng dalawang koleksyon ng tula, ang Dili’t Dilim at Mga Lagot na Liwanag at aktibong kasapi ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA). Nagkamit na si G. Coroza ng mga pangunahing gantimpala mula sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at Talaang Ginto sa Tula. Ginawaran siya ng Southeast Asian Writers Award (S.E.A Write Award) noong taong 2007.

Si PROP. GARY DEVILLES ay guro ng Panitikan sa Pamantasang Ateneo de Manila. Masugid siyang manunulat ng mga artikulo at pagsusuring pansining sa mga pahayagang gaya ng Philippine Daily Inquirer at Philippine Star, at mga lathalaing gaya ng Metro Magazine.

Guro ng Panitikan sa Kagawaran ng Filipino, Pamantasang Ateneo de Manila si PROP. YOLANDO JAMENDANG. Nakapagbigay na siya ng ilang panayam hinggil sa Blogging sa Heights Creative Talk Series, at nakapaglathala na siya ng kaniyang mga tula sa iba’t ibang publikasyon at websites.

Consultant sa Department of Agrarian Reform at guro ng Panitikan sa Pamantasang Ateneo de Manila si PROP. ALWYNN JAVIER. Ang kanyang mga tula ay ilang ulit nang pinarangalan ng Gawad Palanca.

Si DR. JERRY RESPETO ay kasalukuyang Tagapangulo ng Kagawaran ng Filipino, Pamantasang Ateneo de Manila. Aktor, tagasalin at direktor sa teatro si G. Respeto. Lumabas na siya sa mga dula ng CCP, Tanghalang Ateneo at PETA. Naging direktor na rin siya ng mga dulang Paraisong Parisukat, Mga Santong Tao at Sandaang Panaginip na itinanghal ng ENTABLADO. Isinalin din niya ang mga dulang The Visit, Light in a Village, Divinas Palabras, It is so, if you Think so!, The Butterfly’s Evil Spell, Kanjincho, Iceman Cometh, Lysistrata, Romulus the Great, Mandragola at All My Sons para sa iba’t ibang pangkat panteatro sa bansa.

Kasalukuyang nagtuturo ng Panitikan si PROP. EDGAR SAMAR sa Pamantasang Ateneo de Manila. Nagkamit na siya ng mga pangunahing gantimpala mula sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, PBBY- Salanga Writer’s Prize, Gawad Surian sa Tula at NCCA Writer’s Prize. May dalawa na siyang koleksyon ng tula ang Isa na namang Pagtingala sa Buwan at Pag-aabang sa Kundiman.

Premyadong makata at guro ng panitikan si DR. BENILDA SANTOS. Naging tagapangulo na siya ng Kagawaran ng Filipino at Dekana ng Paaralan ng Humanidades sa Pamantasang Ateneo de Manila. Makailang ulit ginawaran ng parangal ang kaniyang mga likha sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, at nagkamit din siya ng National Book Award noong 1997. Awtor siya ng Pali-palitong Posporo, Kuwadro Numero Uno at Alipato. Kabilang din siya sa mga pinarangalan para sa Metrobank 2007 Outstanding Teacher Award.

Guro ng Panitikan sa Pamantasang Ateneo de Manila, aktor at direktor si PROP. JETHRO TENORIO. Lumabas na siya sa iba’t ibang mga dulang itinanghal ng mga pangkat panteareo gaya ng Tanghalang Ateneo, PETA at ENTABLADO. Ilan sa mga dulang ito ang Mga Santong Tao, Romulus d’ Grayt, Sandaang Panaginip, Satirika at Aksidenteng Pagkamatay ng Isang Anarkista. Naging direktor siya ng dulang Talaang Ginto na itinanghal ng ENTABLADO nitong Pebrero 2008. Kasalukuyan ding tinatapos ni G. Tenorio ang kaniyang M.A. Filipino sa Pamantasang Ateneo de Manila.

Si DR. ROLANDO TOLENTINO ay guro sa Film Institute, Unibersidad ng Pilipinas-Diliman at Associate for Fiction ng UP Insitute of Creative Writing. Awtor siya ng Sipat Kultura: Tungo sa Mapagpalayang Pagbabasa, Pag-aaral at Pagtuturo ng Panitikan, Ang Pagkatuto at Pagtatanghal ng Kulturang Popular, Kulturang Popular Series, Bida sa Pelikula Bilang Kultural na Texto, at katuwang na patnugot ng Ang Dagling Tagalog, 1903-1936 at Kontra-Gahum: Academics Against Political Killings. Kasapi rin siya ng Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND).

Nagtuturo sa Pamantasang Ateneo de Manila si PROP. ALVIN YAPAN. Awtor siya ng At Nabulag ang Tagapagsalaysay at Ang Sandali ng mga Mata. Nagkamit na siya ng parangal mula sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, NCCA Writer’s Prize at Manila Critics Circle National Book Award. Isa ring manunulat at direktor ng pelikula si G. Yapan at nagwagi sa Cinemalaya 2007 at Urian 2008 ang kaniyang maikling pelikulang pinamagatang Rolyo.