Wednesday, August 27, 2008

Sagala ng mga Sikat 2008

Matapos ang ilang buwan ng pagpupunyagi, nairaos na rin ang ikaapat na Sagala ng mga Sikat noong ika-27 ng Agosto. 33 magagandang arko ang itinanghal sa College Covered Courts ng Pamantasang Ateneo de Manila na nagtampok sa mga piling tambalan. Mula sa tambalan ng dalawa sa anak ng tanyag na bayani ng epikong Labaw Donggon hanggang sa love team gaya nina Lumen at Lando mula sa sikat na patalastas ng isang sabong panlaba, naging makulay at makabuluhan ang mga disenyo at pagtatanghal na ginawa ng mag-aaral.

Pugo at Togo, Fil 14 K

Nagwagi ang klaseng Fil 14 K ni G. Joseph T. Salazar ng unang gantimpala para sa kanilang lahok na pinamagatang "Pugo at Togo" na tungkol sa dalawang komedyante ng bodabil na nakiisa para labanan ang mga Hapon. Gamit ang matatalim na imahen at simbolismo, naipamalas ng klase ang mga usapin ng censorship at kolonyalismo sa ilalim ng mga Hapones.

Ang Pagong at ang Matsing, Fil 14 AA

Ginawaran naman ng ikalawang gantimpala ang klaseng Fil 14 AA ni G. Jethro Tenorio para sa kanilang arkong "Ang Pagong at ang Matsing", at ng ikatlong gantimpala ang klaseng Fil 11 BB ni Dr. Jerry C. Respeto para sa kanilang arkong "Alwina at Aguiluz" mula sa sikat na teleseryeng Mulawin.

Ang iba pang nagwagi: ikaapat na puwesto at pinakamahusay na disenyo ng arko para sa "Tado at Erning" (Strange Brew) Fil 11 PPP ni Ms. Jema Pamintuan, ikalimang puwesto para sa "Asu Mangga at Baranugun" (Labaw Donggon) ng Fil 14 G ni G. Tenorio, ikaanim ang "Fredo at Botong" (Muro-Ami) ng Fil 14 D ni G. Salazar, ikapito ang "Marina at Dugong" (Marina) ng Fil 14 P ni Dr. Respeto, ika-walo ang "Simoun at Imuthis (El Filibusterismo) ng Fil 11 MM ni Dr. Santos at naghati-hati ng ika-siyam na puwesto ang "Kalabog en Bosyo" ng Fil 11 ZZ ni G. Salazar, "Indarapatra at Sulayman" ng Fil 11 YY ni Bb. Romero at "Aliguyon at Pumbakhayon" (Aliguyon) ng Fil 14 H ni Mr. De Guzman.

Tado at Erning, Fil 11 PPP

Asu Mangga at Baranugun, Fil 14 G

Simoun at Imuthis, Fil 11 MM

Fredo at Botong, Fil 14 D

Aliguyon at Pumbakhayon, Fil 14 H

Malakas at Maganda, Fil 11 FF

Pailalim ri Bolak at Sakandal ri Diwata, Fil 14 M


Ang mga hurado: Bb. Joi Salita, Prop. Roland Tolentino, Gng. Marietta Ze Se Ki

Friday, August 22, 2008

Sagala ng mga Sikat 2008, Huling Paalala

SAGALA NG MGA SIKAT 0808

Mga Huling Paalala

1. Nakareserba ang College Covered Courts para sa Sagala mula 5:30 n.u. hanggang 8:00 n.g. Maaari ninyong ipasok ang inyong arko sa CovCourts nang maaga.

  • Maaaring gamitin ang parking area ng Old Communications Department sa paglalagak at pagsasakay ng inyong mga arko.
  • Ipinapaalala ng University Physical Plant Office na ang pinakamaluwag na oras para ipasok ang arko ay 8:00 hanggang 10:00 ng umaga.
  • Huwag kalilimutang ilagay ang mga Car Pass sa windshield ng sasakyang magpapasok ng inyong arko.

2. May nakalaang espasyo para sa bawat arko sa loob ng Covered Courts. Ito ang inyong magiging teritoryo. Maaari rin ninyong ilagak ang inyong mga gamit sa espasyong nakalaan sa inyo. RESPONSIBILIDAD NG BAWAT MAG-AARAL ANG KANYANG GAMIT. KAPAG NAWALAN KAYO NG GAMIT, HINDI ITO PANANAGUTAN NG KAGAWARAN NG FILIPINO, NG P.E. DEPARTMENT O NG SECURITY GUARD.

3. Mayroon tayong MOBILE INFO BOOTH na maaari ninyong lapitan at pagtanungan kung may mga paglilinaw kayong nais malaman kaugnay ng kaayusan ng parada. Lapitan sina G. ALVIN YAPAN o G. JETHRO TENORIO

4. Mayroon tayong FIRST AID na makakatuwang para sa mga di-inaasahang pangyayari sa kabuoan ng Sagala ng mga Sikat. cLapitan si BB. PAMELA CRUZ o ang mga ROTC Medics

5. Ang mga arko na wala pa sa Covered Courts pagsapit ng 4:15 ay ilalagay sa hulihan ng parada. Hindi na maipapasok ang arko sa loob ng Covered Courts sa pagsisimula. Sa halip ay hihintayin ninyong lumabas ang mga arko para magparada bago kayo makakasunod. Pagbalik sa Covered Courts ay maaari na kayong pumunta sa nakalaang espasyo para sa inyo.

6. Ang bagong ruta natin ay:

  • Mula Covered Courts, lalabas ng Seminary Road papuntang Fr. Masterson, deretso hanggang sa entrance ng SEC Parking Lot, papasok ng College Lane, deretso hanggang sa Rizal Library Exit, kakanan ng University Road, deretso hanggang sa Fr. Masterson, kakanan at babalik sa Seminary Road, kakaliwa at babalik sa Covered Courts
  • Kung sakaling umulan (na nananampalataya tayong HINDI mangyayari) hindi na tayo lalabas ng Covered Courts para magprusisyon.
  • Alalahanin na matarik ang Seminary Road. Paghandaan ang pagtutulak ng arko sa bahaging ito ng parada.

7. Mayroong 4 HAND HELD MICS na magagamit para sa pagtatanghal.

8. Kung may tugtog at tunog kayong gagamitin para sa pagtatanghal, ipadala ang isang (1) kinatawan ng klase sa TECH BOOTH na nasa gilid ng audience area. Lapitan si G. JOHN TORRALBA habang nagtatanghal ang grupo bago ang inyong grupo.

9. Tiyaking walang maiiwang kalat/basura ang inyong arko pagkatapos ng palatuntunan. At TIYAKING HINDI NINYO IIWAN ANG INYONG ARKO SA PAARALAN pagkatapos ng Sagala.

10. Igagawad ang mga parangal sa KA Poetry Jamming na magaganap kinabukasan, Agosto 28, 2008 sa Escaler Hall, mula 4:30 hanggan 7:00 ng gabi. Tiyaking may makakapuntang kinatawan ang klase.