Wednesday, September 17, 2008

Buwan ng Wika at Kultura 2008

Isa sa pinakaaabangang selebrasyon sa Pamantasang Ateneo de Manila ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika na pinangangalanan sa tradisyon ng Ka. At ngayon, sa ikasampung taon ng pagdiriwang ng Ka, higit na kinilala ang kalipunan ng mga gawain sa ilalim nito bilang Kapu, hango sa pinagsamang “Ka” at pagpapaikli ng salitang “ikasampu”. Musika ang napiling tema para sa taong ito kaya naman sa pagsisimula ng Buwan ng Wika noong Agosto 5, 2008, ang Mabuhay Singers, na nagdiriwang ng kanilang ikalimampung taon bilang mga mang-aawit ng kundiman at awiting bayan, ang napiling parangalan ng Kagawaran ng Filipino. Sa Manuel V. Pangilinan Center for Student Activities Lounge sila pinarangalan matapos kumanta ng ilang piling awit nila na talaga namang nagpamangha sa mga manonood. Dito nasaksihan ng mga Atenista, mga guro, mga administrador ng Ateneo at ilang panauhin, kasama na si Ginang Sonia Roco, na wala pa ring kupas ang husay ng Mabuhay Singers sa pag-awit. Ginawaran sila ng plake bilang pagkilala sa patuloy na pagiging tagapagsulong nila ng Kulturang Filipino.


Kaugnay ng pagbibigay ng parangal sa kanila ang isang eksibit na ukol sa kasaysayan ng kanilang tagumpay. Idinaos ang “ribbon-cutting” ng eksibit matapos ang pagbibigay ng parangal sa tulong nina Dr. Assunta Cuyegkeng, bise presidente ng Ateneo de Manila, at Dr. Jerry Respeto, tagapangulo ng Kagawaran ng Filipino. Sa pamamagitan naman ng pambungad ni Prop. Michael Coroza, nagkaroon ang mga dumalo sa eksibit ng pagkakataon na higit pang makilala ang grupong ito na binubuo ng pinagsamang Lovers Trio at Tres Rosas. Tampok sa eksibit ang ilang artikulo tungkol sa kanilang kasaysayan bilang grupo. Nakaagaw-pansin naman ang koleksiyon ng mga orihinal na plaka ng Mabuhay Singers, na hindi ipinagdamot ni Prop. Coroza. Nanatili ang eksibit na ito hanggang Agosto 14, 2009.

Ngunit bago pa man maisara ang nasabing eksibit, nagkaroong ng dalawang panayam sa Escaler Hall sa magkahiwalay na araw bilang bahagi ng Katipunan Lecture Series. Noong ika-7 ng Agosto ginanap ang panayam ni Prop. Gary Devilles na pinamagatang “Ang Estetika ng Reiterasyon sa mga Awiting Popular Bilang Diskursong Kontra-Gahum”. Sa panayam na ito tinalakay kung paano mahihinuha sa ilang katangian ng awiting popular ang pangungutya sa mga nasa kapangyarihan at kung paano tinatangka sa mga awiting ito na baligtarin ang ugnayan ng sinakop at mananakop. Upang higit na maunawaan ang tinatalakay na mga awiting popular, pinatugtog isa-isa ang mga ito kaya naman hindi napigilang sabayan ng mga mag-aaral ang pinatugtog na “Otso-otso” ni Lito Camo at “Huling El Bimbo” ng bandang Eraserheads.

Sinundan ang panayam na ito noong Agosto 12, 2009 ng “Raplagtasan”. Sinimulan nina Teo Antonio at Prop. Michael Coroza ang panayam sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaunting background tungkol sa balagtasan. Hindi napigilang tumawa ng mga mag-aaral nang marinig ang sumusunod na siniping mga linya ni Prop. Coroza mula sa Balagtasan nina Jose Corazon de Jesus at Florentino Collantes sa Opera House noong mga panahong katumbas ng pagturing natin ngayon sa mga artista ang turing ng mga manonood sa kanila. Nang dumating na ang Tribu Rappers, isang grupo pa ng panauhin at magtatanghal, inumpisahan na ang balagtasan ng matatanda. Si Vim Nadera, sinasabing isa sa pasimuno ng performance poetry, ang tumayong belyako. “Kagandahan” ang napiling paksa. Nag-toss coin sina Teo Antonio at Prop. Coroza para malaman kung sino ang magiging tagapagtanggol at tagausig ng kagandahan. Pero nalito sila sa toss coin kaya nag-jack en poy na lamang. Si Teo Antonio ang naging tagapagtanggol at si Prop. Coroza ang tagapag-usig. Pagkatapos ng balagtasan ng matatanda, itinanghal ng Tribu Rappers ang kanilang “freestyle” rap. Tinanong nila ang mga mag-aaral kung ano ang gusto nilang maging paksa at Ateneo laban sa La Salle ang napili ng mga ito. Hinati ang apat na rappers sa dalawang pares. Naging maanghang ang batuhan ng mga linya. Lalong pinasigla ng kabog ng beat box, bugso ng mga salita, at bilis ng pag-iisip ang hiyawan ng mga manonood.

Bukod sa eksibit at mga panayam, nagkaroon rin ng iba’t ibang timpalak tulad ng timpalak tula, sanaysay at awit, gayundin ng pinakaaabangang Sagala ng mga Sikat na kinailangan pang iuurong ang petsa ng pagdiriwang dahil sa hindi matantsang panahon. Nagsimula ang Sagala ng mga Sikat noong Agosto 27, 2009 sa ganap na 4:30 ng hapon sa Covered Courts ng Ateneo de Manila sa halip na iparada ito sa College Lanes ng Ateneo hanggang sa Bellarmine Field, kung saan unang napagpasyahang ganapin ang pagtatanghal. Nakatulong ang mga tagapagdaloy na sina G. Jamendang at G. Madula sa pagpapatingkad at pagpapasaya ng okasyong ito gayundin ang Banda ng Marikina na tumutugtog habang isa-isang pinaparada sa harap ng sumusunod na mga hurado ang mga arko: Dr. Rolando Tolentino, Bb. Joy Salita at Gng. Zee Seh Ki. Sa kabila ng pag-aangkop na ginawa, masasabing naging higit na matagumpay pa ang Sagala ng mga Sikat ngayon kumpara sa naunang tatlong taon. Ayon sa mga guro at mag-aaral na taunang nanonood ng pagdiriwang na ito, higit na pinaghandaan ang mga arko ngayon kaya naman hindi kataka-taka kung bakit mas magaganda ang mga disenyo nito at kung bakit mas organisado at mahusay ang mga naging pagtatanghal ng mga mag-aaral. Masasabing nakatulong rin na iba’t ibang uri ng tambalan ang tema tulad ng mga sumusunod: tambalang bida-sidekick; tambalang bida-kontrabida; at, mga “loveteams” mula sa Panitikan at Kulturang Popular. Dahil sa limitasyon ng tema, higit na napag-isipan ng mga mag-aaral kung anong aspekto ng napiling panitikan, patalastas o programa sa telebisyon ang dapat tutukan sa pagtatanghal at sa pagbuo ng kanilang arko. Natapos ang programa ng 7:30 na ng gabi ngunit sulit naman ang panonood dahil bawat isang klaseng kalahok ay ibinuhos lahat ng kanilang makakaya para sa sagalang ito.

Mula sa tatlumpu’t dalawang arko, napili ang labing isang pinakamahuhusay na lahok. Nagpapatunay lamang ito kung gaano kahigpit ang kumpetisyon kaya naman hindi naiwasang magkaroon ng tatlong lahok para sa ikasiyam na gantimpala. Pinagsaluhan ang ikasiyam na gantimpala ng sumusunod na lahok: “Kalabog at Bosyo” mula sa Filipino 11 ZZ ni Prop. Salazar; “Indarapatra at Sulayman” ng Filipino 11 YY ni Prop. Romero; at, “Aliguyon at Pumbakhayon” ng Filipino 14 H ni Prop. De Guzman. Nakamit naman ng Filipino 11 MM ni Dr. Santos ang ikawalong gantimpala para sa “Simoun at Imuthis”. Ang klaseng Filipino 14 P ni Dr. Respeto ang nakakuha ng ikapitong gantimpala para sa tambalang “Marina at Dugong”. Mula naman sa klaseng Fili 14 D ni Prop. Salazar ang tambalang “Fredo at Botong” na nakasungkit ng ikaanim na parangal. Nakamit naman ng tambalang “Asu Mangga at Baranugun” ng Filipino 14 G ni Prop. Tenorio ang ikalimang gantimpala. Iginawad sa tambalang “Tado at Erning” ng Fil 11 PPP ni Prop. Pamintuan ang parangal na “Pinakamahusay na Disenyo ng Arko”, isang salik na nakatulong upang makuha ang ikaapat na gantimpala. Ang klaseng Filipino11 BB naman ni Dr. Respeto na nagtanghal ng tambalang “Alwina at Aguiluz” ang nagkamit ng ikatlong gantimpala. Iginawad naman ang parangal na “Pinakamahusay na Pagtatanghal” sa Filipino 14 AA, isang klase muli ni Dr. Respeto para sa “Ang Pagong at ang Matsing” na nagkamit ng ikalawang gantimpala. Iginawad ang unang gantimpala sa Filipino 14 K, klase ni Prop. Salazar para sa “Pugo at Togo”,dahil sa pagpahiwatig nito ng isyu ng “censorship” sa panahon ng mga Hapon.


Iginawad lahat ng nasabing gantimpala sa sumunod na araw, Agosto 28, sa Ka Poetry Jamming, ang programang nagmamarka ng pagsasara ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika, na ginanap sa Escaler Hall. Nagsilbing tagapagdaloy sina G. Jethro Tenorio at G. Ariel Diccion, na talaga namang kinagiliwan ng mga mag-aaral, guro at mga panauhin. Bukod sa pag-anunsiyo at paggawad ng parangal para sa mga nanalong klase sa Sagala ng mga Sikat, sa programang ito rin inanunsiyo ang mga nagwagi sa iba pang timpalak. Para sa Timpalak Sanaysay, nagkamit ng ikatlong gantimpala ang mag-aaral ni Bb. Oris na si Paul Adrian Luzon mula sa “Salamat Musika”. Para naman sa Timpalak Tula, nagkamit ng ikalawang gantimpala si Kevin Bryan Marin para sa kanyang “Por Kilo” samantala, ikatlong gantimpala naman ang nakuha ni Michael Rey Orino para sa “Mapa”. Sa programa ring ito napakinggan ang anim na kalahok sa timpalak awit kung saan tatlo ang ginawaran ng gantimpala ng mga sumusunod na hurado: G. Mikael Co; G. Paul Gongora; at G. Noel Dela Rosa. Nagkamit ng ikatlong gantimpala ang “Araw at Buwan” na inawit ni Richard Camacho. Ang awit na “Ikaw Pa Rin” na inawit ni Kenneth Abante ang ginawaran naman ng ikalawang gantimpala. Samantala, nagwagi ng unang gantimpala ang “Hindi Madali” na isinulat at inawit ni Gino Afable.


Naging lunan ang programang ito ng parangal para sa mga nagwagi sa iba’t ibang timpalak sa buong Buwan ng Wika ngunit ayon nga sa pamagat, isa itong poetry jamming kaya naman hindi makukumpleto ang programa kung wala ang mga taong nagbasa ng kanilang mga akda at paboritong mga tula. Isa-isang tumula ang mga anak ni Prop. Coroza, na sinundan naman ng kombinasyon ng pag-awit at pagtula ng tambalang mula sa Matanglawin. Napatawa nila ang mga manonood sa pagtula ng mga titik ng awiting banyaga na isinalin sa Filipino tulad ng “Umbrella”. Ngunit kung nagustuhan ito ng mga mag-aaral, hindi naman nagpahuli si G. Jamendang sa pagbasa ng kanyang akda tungkol sa suliranin niya ukol sa mga kababaihan. Nang marinig pa lang ang mga linyang “Dear Xerex”, masigabong palakpakan agad ang ibinigay sa kanya.Tinuldukan ang pagbasa niya ng isang kilos na halaw sa isang patalastas- ang pag-spray ng Axe habang tumatakbong palayo sa lugar na pinagtanghalan, upang ipahiwatig na ito ang sagot sa suliraning kinasasangkutan niya sa kasalukuyan. Dahil dito, hindi napigilan ng mga manonood na bigyan siya ng “standing ovation” hanggang sa tuluyan na siyang mawala sa paningin ng mga manonood.

Nagtapos ang Ka Poetry Jamming sa pamamagitan ng pasasalamat sa mga dumalo, at sa mga tumulong sa Kagawaran ng Filipino para sa isang buwan ng pagdiriwang ng Kapu. Sa pagtatapos na ito, ipinabaon sa lahat ng manonood ang paghahangad ng Kagawaran ng Filipino na mapanatili ang magandang tradisyong ito para mapaunlad pa at malinang ang higit pang pagkilala sa ating kultura. Hanggang sa susunod na pagdiriwang ng Buwan ng Wika, hanggang sa susunod na Ka!

No comments: