Meron KA! Sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Kultura 2009, muling ilulunsad ang paghahanda ng Pamantasan para sa pinakaaabangang kultural na selebrasyon, ang Sagala ng mga Sikat. Prusisyon ito ng iba’t ibang tauhan mula sa Panitikan at Kulturang Popular na Filipino na nagpapaligsahan para sa pinakamagandang arko at presentasyon.
Sa mga nagdaang Sagala, tampok ang mga pangunahing tauhang matatagpuan sa mga kilalang epiko, nobela, pelikula, at maging komiks. Subalit para sa taong ito, itatanghal naman ang tema na KATOTO upang gawing bida naman sa parada ang mga sidekicks, backup, o supporting characters. Papagningningin si Matutina, ang nagpapakasosyal na alalay ni Donya Delilah sa John en Marsha, si Ding na tagaabot ng bato ni Darna, si Lando na laging nakabuntot sa mga pakikipagsapalaran ni Flavio sa Ang Panday, si Menandro na matalik na kaibigan ni Florante, si Brosia na tangang katulong ng pamilya Sungcal sa Pugad Baboy.
Sasalain muna ang mga kalahok na mapapabilang sa Sagala ng mga Sikat. Kinakailangan ang ganitong proseso upang mapangalagaan ang kalidad ng mga sasaling arko sa prusisyon, at mapanatili ang bilang ng mga kalahok sa dalawampu (20) lamang. Bukas ang sagala at kumpetisyon sa lahat ng mag-aaral sa kolehiyo ng Ateneo.
Proseso ng Pagsasala:
1. Pipili ang bawat klase sa Filipino ng tauhan na nagmula sa Panitikan at Kulturang Popular na maaari nilang gawan ng arko para sa Sagala. Pagandahan ng arko ang paligsahan kung kaya dapat maaaring gawing ispektakulo ang pipiliing tauhan.
2. Gagawan ng write-up ng bawat klase ang tauhang nais ilahok sa paligsahan. Ipapaliwanag ng write-up ang kabuluhan ng napiling tauhan sa Panitikang Filipino at Kulturang Popular at kung bakit kailangang makilala ang nasabing tauhan ng kasalukuyang henerasyon ng mga mambabasa. Iguguhit na rin nila ang disenyo ng arko na sasalamin sa personalidad ng tauhan.
a. Ano ang ipapasa?
i. Write-up ng tauhan:
1. maglalaman ng pagpapakilala at pagbibigay-halaga sa nasabing tauhan.
2. dalawang pahina, double-spaced, short bond paper, 1” margins”, maglagay ng talasanggunian sa ikatlong pahina kung kinakailangan
ii. Disenyo ng arko:
1. max. floor area: 6 ft. X 6ft x 8 ft.[height]
2. kasama ang mga materyales na gagamitin sa arko.
3. IpinagbaBAWAL ang anumang trak at sasakyan, e.g. elf, 6 wheeler truck, etc.
4. Maaaring maglagay ng SARILING ILAW AT TUNOG sa pagbuo ng arko na pinapagana habang nagpaparada.
5. 10 TAO lamang ang maaaring sumama, lumulan at magbuhat sa mismong arko.
iii. Disenyo ng kasuotan ng mga tauhan
iv. Paglalarawan ng pagtatanghal ng pangkat:
1. Maaaring sayaw, kanta, talumpati, atbp.
2. Kasama ang mga equipment na gagamitin o kakailanganin.
3. 2 minuto bawat isa, may bawas sa puntos ang presentasyon na lalagpas sa takdang oras (-5 puntos kada 30 segundo)
4. Maaaring lumahok ang IBA PANG bahagi ng inyong klase sa pagtatanghal, dagdag sa 10 TAO na nakalulan sa arko.
b. Saan ipapasa? Sa dropbox sa loob ng Kagawaran ng Filipino
c. Kailan ipapasa? Bago mag-alas singko ng hapon, ika-22 ng Hulyo, 2009.
d. Paano pagpipilian ang mga lahok:
i. 40% Ispektakulo ng Disenyo ng Arko at Kasuotan
ii. 30% Kabuluhan ng Tauhan sa Kultura
iii. 30% Orihinalidad ng Konsepto
e. Kailan ilalabas ang listahan ng magiging kalahok sa sagala?
i. Ika-24 ng Hulyo
ii. Magkakaroon ng briefing ang mga finalists sa ika-27 ng Hulyo, TBA ang venue.
f. Mga Dapat Tandaan
i. Hindi nagdodoble ng lahok sa prusisyon para sa isang tauhan kung kaya hinihikayat ang mga mag-aaral na magpasa ng natatanging lahok.
ii. Maaaring magpasa ng lahok bago pa man ang araw ng palugit.
Pagmamarka ng Arko (sa mismong paligsahan)
25% Ispektakulo ng Disenyo ng Arko at Kasuotan
25% Kabuluhan ng Tauhan sa Kulturang Filipino
25% Orihinalidad ng Konsepto
25% Pagtatanghal
Itatanghal ng mga kalahok ang kanilang mga arko sa isang sagala na magsisimula sa Covered Courts, lalabas ng Seminary Road papuntang Fr. Masterson, deretso hanggang sa entrance ng SEC Parking Lot, papasok sa College Lane, deretso hanggang Rizal Library Exit, kakanan sa University Road, deretso hanggang sa Fr. Masterson, kakanan at babalik sa Seminary Road, kakaliwa at babaliksa Covered Courts para sa presentasyon at pagkilala sa pinakamahusay na arko at pagtatanghal.
Magkakamit ang pinakamahusay na arko ng P5,000 at regalo mula sa Kagawaran ng Filipino. Magbibigay rin ng sertipiko ng pagkilala ang Kagawaran sa pinaka-orihinal na konsepto, pinakamagarang kasuotan, etc.
Mananatiling pangwakas at hindi magbabago ang pasya ng inampalan.
Thursday, July 23, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment