Friday, October 3, 2008

MULA PIEDRAS PLATAS TUNGONG PAYATAS
Pambansang Panayam sa Pagtuturo ng mga Bagong Kasanayang Pampanitikan

Mula sa mga mitikong pakikipagsapalaran ng mga prinsipe sa kumbensyunal na panitikan hanggang sa masalimuot na realidad ng pagtatanghal ng buhay sa burak, may higit na lawak ang tanawin ng imahinasyon ng ating panitikan. Ating pag-aralan at pagmunihan ang mga posibilidad na inihaharap sa atin ng mga bagong teksto lalo na sa panahong ito na hinahamon ang ating kolektibong identidad ng globalisasyon at ng mabilisang pagbabago at pag-usad ng teknolohiya.

Sa pagdalo sa panayam, inaasahang mabigyan ng kaalaman ang mga guro tungkol sa: pag-unlad ng mga anyo ng panitikan—tula, kuwento at nobela, dula, sanaysay at mga makabagong anyong pang-media; iba’t ibang estratehiya at oryentasyon sa pagtuturo ng mga naturang anyo; at sa mga bagong materyal na magagamit sa pagtuturo ng Panitikang Filipino at makapagtaguyod ng mga bagong kaisipan sa pagtuturo.

Gaganapin ang tatlong araw na panayam sa Bulwagang Escaler ng Science and Engineering Complex A (SEC A) ng Pamantasan ng Ateneo de Manila mula ika-22 hanggang ika-24 ng Abril, 2009 (Miyerkules hanggang Biyernes).


Pagpapatala at Pagpapareserba

Tatlong libong piso (P3000) ang itatakdang halaga sa bawat gurong lalahok sa panayam. Saklaw ng halagang nabanggit ang mga pagkain, sertipiko ng pakikilahok, at kit (na naglalaman ng mga papel na tatalakayin sa panayam at materyales gaya ng mga halimbawang lesson plan at pagsusulit). Magbibigay ng limangdaang pisong (P500) diskwento kung magpapareserba at magbabayad bago mag ika-1 ng Abril, 2009 (Biyernes).

Para sa mga nangangailangan ng matutuluyan ng 2 gabi, maaari silang tumuloy sa Institute of Social Order (ISO) Complex. Ang halaga ng bayarin para dito ay walong daang piso (P800) na idadagdag sa butaw sa panayam. Dahil limitado ang bilang ng maaaring tumuloy dito, paiiralin ang first-come, first-served na patakaran.


Palatuntunan

UNANG ARAW

800-900

Pagpapatala

900-930

Pambansang Awit at Pagbati

930-1000

PAMBUNGAD

1000-1030

Meryenda

1030-1130

TULA · Dr. Benilda S. Santos

2007 Metrobank Outstanding Teacher

2004 Gawad Alagad ni Balagtas

1130-1200

PAKITANG-TURO 1: TULA · Prop. Alwynn Javier

1200-130

Tanghalian

130-230

PAGTATANGHAL 1: TULA

230-300

Meryenda

300-400

MAIKLING KUWENTO · Prop. Alvin B. Yapan

2007 National Book Award sa Nobela

2008 Gawad Urian Para sa Maikling Pelikula

400-430

PAKITANG-TURO 2: NOBELA AT MAIKLING KUWENTO · Prop. Gary C. Devilles

IKALAWANG ARAW

800-830

Pagpapatala

830-930

DULA · Dr. Jerry C. Respeto

2004 Fellow United Board for Christian

Higher Education in Asia

930-1000

PAKITANG-TURO 3: DULA

1000-1030

Meryenda

1030-1130

PAGTATANGHAL 2: DULA

1130-100

Tanghalian

100-200

SANAYSAY · Prop. Michael Coroza

2007 Parangal ng SEAWrite

200-230

PAKITANG-TURO 4: SANAYSAY · Prop. Edgar C. Samar

230-300

Meryenda

300-400

MGA BAGONG ANYONG PANGMEDIA

· Dr. Rolando B. Tolentino

Dating Direktor, Adarna Film Institute (UP)

Miyembro ng Manunuri ng Pelikulang Filipino

400-430

PAKITANG-TURO 5: MGA BAGONG ANYONG PANGMEDIA

· Prop. Yolando B. Jamendang

IKATLONG ARAW

800-830

Pagpapatala

830-930

PAGTATANGHAL 3: MAIIKLING PELIKULA

930-1030

Meryenda / Maagang Tanghalian

1030-1130

PANGWAKAS NA PROGRAMA



Mga Tagapanayam

Guro ng Panitikan sa Pamantasang Ateneo de Manila, tagasaling-wika at mananalaysay si G. MICHAEL COROZA. Awtor siya ng dalawang koleksyon ng tula, ang Dili’t Dilim at Mga Lagot na Liwanag at aktibong kasapi ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA). Nagkamit na si G. Coroza ng mga pangunahing gantimpala mula sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at Talaang Ginto sa Tula. Ginawaran siya ng Southeast Asian Writers Award (S.E.A Write Award) noong taong 2007.

Si PROP. GARY DEVILLES ay guro ng Panitikan sa Pamantasang Ateneo de Manila. Masugid siyang manunulat ng mga artikulo at pagsusuring pansining sa mga pahayagang gaya ng Philippine Daily Inquirer at Philippine Star, at mga lathalaing gaya ng Metro Magazine.

Guro ng Panitikan sa Kagawaran ng Filipino, Pamantasang Ateneo de Manila si PROP. YOLANDO JAMENDANG. Nakapagbigay na siya ng ilang panayam hinggil sa Blogging sa Heights Creative Talk Series, at nakapaglathala na siya ng kaniyang mga tula sa iba’t ibang publikasyon at websites.

Consultant sa Department of Agrarian Reform at guro ng Panitikan sa Pamantasang Ateneo de Manila si PROP. ALWYNN JAVIER. Ang kanyang mga tula ay ilang ulit nang pinarangalan ng Gawad Palanca.

Si DR. JERRY RESPETO ay kasalukuyang Tagapangulo ng Kagawaran ng Filipino, Pamantasang Ateneo de Manila. Aktor, tagasalin at direktor sa teatro si G. Respeto. Lumabas na siya sa mga dula ng CCP, Tanghalang Ateneo at PETA. Naging direktor na rin siya ng mga dulang Paraisong Parisukat, Mga Santong Tao at Sandaang Panaginip na itinanghal ng ENTABLADO. Isinalin din niya ang mga dulang The Visit, Light in a Village, Divinas Palabras, It is so, if you Think so!, The Butterfly’s Evil Spell, Kanjincho, Iceman Cometh, Lysistrata, Romulus the Great, Mandragola at All My Sons para sa iba’t ibang pangkat panteatro sa bansa.

Kasalukuyang nagtuturo ng Panitikan si PROP. EDGAR SAMAR sa Pamantasang Ateneo de Manila. Nagkamit na siya ng mga pangunahing gantimpala mula sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, PBBY- Salanga Writer’s Prize, Gawad Surian sa Tula at NCCA Writer’s Prize. May dalawa na siyang koleksyon ng tula ang Isa na namang Pagtingala sa Buwan at Pag-aabang sa Kundiman.

Premyadong makata at guro ng panitikan si DR. BENILDA SANTOS. Naging tagapangulo na siya ng Kagawaran ng Filipino at Dekana ng Paaralan ng Humanidades sa Pamantasang Ateneo de Manila. Makailang ulit ginawaran ng parangal ang kaniyang mga likha sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, at nagkamit din siya ng National Book Award noong 1997. Awtor siya ng Pali-palitong Posporo, Kuwadro Numero Uno at Alipato. Kabilang din siya sa mga pinarangalan para sa Metrobank 2007 Outstanding Teacher Award.

Guro ng Panitikan sa Pamantasang Ateneo de Manila, aktor at direktor si PROP. JETHRO TENORIO. Lumabas na siya sa iba’t ibang mga dulang itinanghal ng mga pangkat panteareo gaya ng Tanghalang Ateneo, PETA at ENTABLADO. Ilan sa mga dulang ito ang Mga Santong Tao, Romulus d’ Grayt, Sandaang Panaginip, Satirika at Aksidenteng Pagkamatay ng Isang Anarkista. Naging direktor siya ng dulang Talaang Ginto na itinanghal ng ENTABLADO nitong Pebrero 2008. Kasalukuyan ding tinatapos ni G. Tenorio ang kaniyang M.A. Filipino sa Pamantasang Ateneo de Manila.

Si DR. ROLANDO TOLENTINO ay guro sa Film Institute, Unibersidad ng Pilipinas-Diliman at Associate for Fiction ng UP Insitute of Creative Writing. Awtor siya ng Sipat Kultura: Tungo sa Mapagpalayang Pagbabasa, Pag-aaral at Pagtuturo ng Panitikan, Ang Pagkatuto at Pagtatanghal ng Kulturang Popular, Kulturang Popular Series, Bida sa Pelikula Bilang Kultural na Texto, at katuwang na patnugot ng Ang Dagling Tagalog, 1903-1936 at Kontra-Gahum: Academics Against Political Killings. Kasapi rin siya ng Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND).

Nagtuturo sa Pamantasang Ateneo de Manila si PROP. ALVIN YAPAN. Awtor siya ng At Nabulag ang Tagapagsalaysay at Ang Sandali ng mga Mata. Nagkamit na siya ng parangal mula sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, NCCA Writer’s Prize at Manila Critics Circle National Book Award. Isa ring manunulat at direktor ng pelikula si G. Yapan at nagwagi sa Cinemalaya 2007 at Urian 2008 ang kaniyang maikling pelikulang pinamagatang Rolyo.

Wednesday, September 17, 2008

Buwan ng Wika at Kultura 2008

Isa sa pinakaaabangang selebrasyon sa Pamantasang Ateneo de Manila ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika na pinangangalanan sa tradisyon ng Ka. At ngayon, sa ikasampung taon ng pagdiriwang ng Ka, higit na kinilala ang kalipunan ng mga gawain sa ilalim nito bilang Kapu, hango sa pinagsamang “Ka” at pagpapaikli ng salitang “ikasampu”. Musika ang napiling tema para sa taong ito kaya naman sa pagsisimula ng Buwan ng Wika noong Agosto 5, 2008, ang Mabuhay Singers, na nagdiriwang ng kanilang ikalimampung taon bilang mga mang-aawit ng kundiman at awiting bayan, ang napiling parangalan ng Kagawaran ng Filipino. Sa Manuel V. Pangilinan Center for Student Activities Lounge sila pinarangalan matapos kumanta ng ilang piling awit nila na talaga namang nagpamangha sa mga manonood. Dito nasaksihan ng mga Atenista, mga guro, mga administrador ng Ateneo at ilang panauhin, kasama na si Ginang Sonia Roco, na wala pa ring kupas ang husay ng Mabuhay Singers sa pag-awit. Ginawaran sila ng plake bilang pagkilala sa patuloy na pagiging tagapagsulong nila ng Kulturang Filipino.


Kaugnay ng pagbibigay ng parangal sa kanila ang isang eksibit na ukol sa kasaysayan ng kanilang tagumpay. Idinaos ang “ribbon-cutting” ng eksibit matapos ang pagbibigay ng parangal sa tulong nina Dr. Assunta Cuyegkeng, bise presidente ng Ateneo de Manila, at Dr. Jerry Respeto, tagapangulo ng Kagawaran ng Filipino. Sa pamamagitan naman ng pambungad ni Prop. Michael Coroza, nagkaroon ang mga dumalo sa eksibit ng pagkakataon na higit pang makilala ang grupong ito na binubuo ng pinagsamang Lovers Trio at Tres Rosas. Tampok sa eksibit ang ilang artikulo tungkol sa kanilang kasaysayan bilang grupo. Nakaagaw-pansin naman ang koleksiyon ng mga orihinal na plaka ng Mabuhay Singers, na hindi ipinagdamot ni Prop. Coroza. Nanatili ang eksibit na ito hanggang Agosto 14, 2009.

Ngunit bago pa man maisara ang nasabing eksibit, nagkaroong ng dalawang panayam sa Escaler Hall sa magkahiwalay na araw bilang bahagi ng Katipunan Lecture Series. Noong ika-7 ng Agosto ginanap ang panayam ni Prop. Gary Devilles na pinamagatang “Ang Estetika ng Reiterasyon sa mga Awiting Popular Bilang Diskursong Kontra-Gahum”. Sa panayam na ito tinalakay kung paano mahihinuha sa ilang katangian ng awiting popular ang pangungutya sa mga nasa kapangyarihan at kung paano tinatangka sa mga awiting ito na baligtarin ang ugnayan ng sinakop at mananakop. Upang higit na maunawaan ang tinatalakay na mga awiting popular, pinatugtog isa-isa ang mga ito kaya naman hindi napigilang sabayan ng mga mag-aaral ang pinatugtog na “Otso-otso” ni Lito Camo at “Huling El Bimbo” ng bandang Eraserheads.

Sinundan ang panayam na ito noong Agosto 12, 2009 ng “Raplagtasan”. Sinimulan nina Teo Antonio at Prop. Michael Coroza ang panayam sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaunting background tungkol sa balagtasan. Hindi napigilang tumawa ng mga mag-aaral nang marinig ang sumusunod na siniping mga linya ni Prop. Coroza mula sa Balagtasan nina Jose Corazon de Jesus at Florentino Collantes sa Opera House noong mga panahong katumbas ng pagturing natin ngayon sa mga artista ang turing ng mga manonood sa kanila. Nang dumating na ang Tribu Rappers, isang grupo pa ng panauhin at magtatanghal, inumpisahan na ang balagtasan ng matatanda. Si Vim Nadera, sinasabing isa sa pasimuno ng performance poetry, ang tumayong belyako. “Kagandahan” ang napiling paksa. Nag-toss coin sina Teo Antonio at Prop. Coroza para malaman kung sino ang magiging tagapagtanggol at tagausig ng kagandahan. Pero nalito sila sa toss coin kaya nag-jack en poy na lamang. Si Teo Antonio ang naging tagapagtanggol at si Prop. Coroza ang tagapag-usig. Pagkatapos ng balagtasan ng matatanda, itinanghal ng Tribu Rappers ang kanilang “freestyle” rap. Tinanong nila ang mga mag-aaral kung ano ang gusto nilang maging paksa at Ateneo laban sa La Salle ang napili ng mga ito. Hinati ang apat na rappers sa dalawang pares. Naging maanghang ang batuhan ng mga linya. Lalong pinasigla ng kabog ng beat box, bugso ng mga salita, at bilis ng pag-iisip ang hiyawan ng mga manonood.

Bukod sa eksibit at mga panayam, nagkaroon rin ng iba’t ibang timpalak tulad ng timpalak tula, sanaysay at awit, gayundin ng pinakaaabangang Sagala ng mga Sikat na kinailangan pang iuurong ang petsa ng pagdiriwang dahil sa hindi matantsang panahon. Nagsimula ang Sagala ng mga Sikat noong Agosto 27, 2009 sa ganap na 4:30 ng hapon sa Covered Courts ng Ateneo de Manila sa halip na iparada ito sa College Lanes ng Ateneo hanggang sa Bellarmine Field, kung saan unang napagpasyahang ganapin ang pagtatanghal. Nakatulong ang mga tagapagdaloy na sina G. Jamendang at G. Madula sa pagpapatingkad at pagpapasaya ng okasyong ito gayundin ang Banda ng Marikina na tumutugtog habang isa-isang pinaparada sa harap ng sumusunod na mga hurado ang mga arko: Dr. Rolando Tolentino, Bb. Joy Salita at Gng. Zee Seh Ki. Sa kabila ng pag-aangkop na ginawa, masasabing naging higit na matagumpay pa ang Sagala ng mga Sikat ngayon kumpara sa naunang tatlong taon. Ayon sa mga guro at mag-aaral na taunang nanonood ng pagdiriwang na ito, higit na pinaghandaan ang mga arko ngayon kaya naman hindi kataka-taka kung bakit mas magaganda ang mga disenyo nito at kung bakit mas organisado at mahusay ang mga naging pagtatanghal ng mga mag-aaral. Masasabing nakatulong rin na iba’t ibang uri ng tambalan ang tema tulad ng mga sumusunod: tambalang bida-sidekick; tambalang bida-kontrabida; at, mga “loveteams” mula sa Panitikan at Kulturang Popular. Dahil sa limitasyon ng tema, higit na napag-isipan ng mga mag-aaral kung anong aspekto ng napiling panitikan, patalastas o programa sa telebisyon ang dapat tutukan sa pagtatanghal at sa pagbuo ng kanilang arko. Natapos ang programa ng 7:30 na ng gabi ngunit sulit naman ang panonood dahil bawat isang klaseng kalahok ay ibinuhos lahat ng kanilang makakaya para sa sagalang ito.

Mula sa tatlumpu’t dalawang arko, napili ang labing isang pinakamahuhusay na lahok. Nagpapatunay lamang ito kung gaano kahigpit ang kumpetisyon kaya naman hindi naiwasang magkaroon ng tatlong lahok para sa ikasiyam na gantimpala. Pinagsaluhan ang ikasiyam na gantimpala ng sumusunod na lahok: “Kalabog at Bosyo” mula sa Filipino 11 ZZ ni Prop. Salazar; “Indarapatra at Sulayman” ng Filipino 11 YY ni Prop. Romero; at, “Aliguyon at Pumbakhayon” ng Filipino 14 H ni Prop. De Guzman. Nakamit naman ng Filipino 11 MM ni Dr. Santos ang ikawalong gantimpala para sa “Simoun at Imuthis”. Ang klaseng Filipino 14 P ni Dr. Respeto ang nakakuha ng ikapitong gantimpala para sa tambalang “Marina at Dugong”. Mula naman sa klaseng Fili 14 D ni Prop. Salazar ang tambalang “Fredo at Botong” na nakasungkit ng ikaanim na parangal. Nakamit naman ng tambalang “Asu Mangga at Baranugun” ng Filipino 14 G ni Prop. Tenorio ang ikalimang gantimpala. Iginawad sa tambalang “Tado at Erning” ng Fil 11 PPP ni Prop. Pamintuan ang parangal na “Pinakamahusay na Disenyo ng Arko”, isang salik na nakatulong upang makuha ang ikaapat na gantimpala. Ang klaseng Filipino11 BB naman ni Dr. Respeto na nagtanghal ng tambalang “Alwina at Aguiluz” ang nagkamit ng ikatlong gantimpala. Iginawad naman ang parangal na “Pinakamahusay na Pagtatanghal” sa Filipino 14 AA, isang klase muli ni Dr. Respeto para sa “Ang Pagong at ang Matsing” na nagkamit ng ikalawang gantimpala. Iginawad ang unang gantimpala sa Filipino 14 K, klase ni Prop. Salazar para sa “Pugo at Togo”,dahil sa pagpahiwatig nito ng isyu ng “censorship” sa panahon ng mga Hapon.


Iginawad lahat ng nasabing gantimpala sa sumunod na araw, Agosto 28, sa Ka Poetry Jamming, ang programang nagmamarka ng pagsasara ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika, na ginanap sa Escaler Hall. Nagsilbing tagapagdaloy sina G. Jethro Tenorio at G. Ariel Diccion, na talaga namang kinagiliwan ng mga mag-aaral, guro at mga panauhin. Bukod sa pag-anunsiyo at paggawad ng parangal para sa mga nanalong klase sa Sagala ng mga Sikat, sa programang ito rin inanunsiyo ang mga nagwagi sa iba pang timpalak. Para sa Timpalak Sanaysay, nagkamit ng ikatlong gantimpala ang mag-aaral ni Bb. Oris na si Paul Adrian Luzon mula sa “Salamat Musika”. Para naman sa Timpalak Tula, nagkamit ng ikalawang gantimpala si Kevin Bryan Marin para sa kanyang “Por Kilo” samantala, ikatlong gantimpala naman ang nakuha ni Michael Rey Orino para sa “Mapa”. Sa programa ring ito napakinggan ang anim na kalahok sa timpalak awit kung saan tatlo ang ginawaran ng gantimpala ng mga sumusunod na hurado: G. Mikael Co; G. Paul Gongora; at G. Noel Dela Rosa. Nagkamit ng ikatlong gantimpala ang “Araw at Buwan” na inawit ni Richard Camacho. Ang awit na “Ikaw Pa Rin” na inawit ni Kenneth Abante ang ginawaran naman ng ikalawang gantimpala. Samantala, nagwagi ng unang gantimpala ang “Hindi Madali” na isinulat at inawit ni Gino Afable.


Naging lunan ang programang ito ng parangal para sa mga nagwagi sa iba’t ibang timpalak sa buong Buwan ng Wika ngunit ayon nga sa pamagat, isa itong poetry jamming kaya naman hindi makukumpleto ang programa kung wala ang mga taong nagbasa ng kanilang mga akda at paboritong mga tula. Isa-isang tumula ang mga anak ni Prop. Coroza, na sinundan naman ng kombinasyon ng pag-awit at pagtula ng tambalang mula sa Matanglawin. Napatawa nila ang mga manonood sa pagtula ng mga titik ng awiting banyaga na isinalin sa Filipino tulad ng “Umbrella”. Ngunit kung nagustuhan ito ng mga mag-aaral, hindi naman nagpahuli si G. Jamendang sa pagbasa ng kanyang akda tungkol sa suliranin niya ukol sa mga kababaihan. Nang marinig pa lang ang mga linyang “Dear Xerex”, masigabong palakpakan agad ang ibinigay sa kanya.Tinuldukan ang pagbasa niya ng isang kilos na halaw sa isang patalastas- ang pag-spray ng Axe habang tumatakbong palayo sa lugar na pinagtanghalan, upang ipahiwatig na ito ang sagot sa suliraning kinasasangkutan niya sa kasalukuyan. Dahil dito, hindi napigilan ng mga manonood na bigyan siya ng “standing ovation” hanggang sa tuluyan na siyang mawala sa paningin ng mga manonood.

Nagtapos ang Ka Poetry Jamming sa pamamagitan ng pasasalamat sa mga dumalo, at sa mga tumulong sa Kagawaran ng Filipino para sa isang buwan ng pagdiriwang ng Kapu. Sa pagtatapos na ito, ipinabaon sa lahat ng manonood ang paghahangad ng Kagawaran ng Filipino na mapanatili ang magandang tradisyong ito para mapaunlad pa at malinang ang higit pang pagkilala sa ating kultura. Hanggang sa susunod na pagdiriwang ng Buwan ng Wika, hanggang sa susunod na Ka!

Wednesday, August 27, 2008

Sagala ng mga Sikat 2008

Matapos ang ilang buwan ng pagpupunyagi, nairaos na rin ang ikaapat na Sagala ng mga Sikat noong ika-27 ng Agosto. 33 magagandang arko ang itinanghal sa College Covered Courts ng Pamantasang Ateneo de Manila na nagtampok sa mga piling tambalan. Mula sa tambalan ng dalawa sa anak ng tanyag na bayani ng epikong Labaw Donggon hanggang sa love team gaya nina Lumen at Lando mula sa sikat na patalastas ng isang sabong panlaba, naging makulay at makabuluhan ang mga disenyo at pagtatanghal na ginawa ng mag-aaral.

Pugo at Togo, Fil 14 K

Nagwagi ang klaseng Fil 14 K ni G. Joseph T. Salazar ng unang gantimpala para sa kanilang lahok na pinamagatang "Pugo at Togo" na tungkol sa dalawang komedyante ng bodabil na nakiisa para labanan ang mga Hapon. Gamit ang matatalim na imahen at simbolismo, naipamalas ng klase ang mga usapin ng censorship at kolonyalismo sa ilalim ng mga Hapones.

Ang Pagong at ang Matsing, Fil 14 AA

Ginawaran naman ng ikalawang gantimpala ang klaseng Fil 14 AA ni G. Jethro Tenorio para sa kanilang arkong "Ang Pagong at ang Matsing", at ng ikatlong gantimpala ang klaseng Fil 11 BB ni Dr. Jerry C. Respeto para sa kanilang arkong "Alwina at Aguiluz" mula sa sikat na teleseryeng Mulawin.

Ang iba pang nagwagi: ikaapat na puwesto at pinakamahusay na disenyo ng arko para sa "Tado at Erning" (Strange Brew) Fil 11 PPP ni Ms. Jema Pamintuan, ikalimang puwesto para sa "Asu Mangga at Baranugun" (Labaw Donggon) ng Fil 14 G ni G. Tenorio, ikaanim ang "Fredo at Botong" (Muro-Ami) ng Fil 14 D ni G. Salazar, ikapito ang "Marina at Dugong" (Marina) ng Fil 14 P ni Dr. Respeto, ika-walo ang "Simoun at Imuthis (El Filibusterismo) ng Fil 11 MM ni Dr. Santos at naghati-hati ng ika-siyam na puwesto ang "Kalabog en Bosyo" ng Fil 11 ZZ ni G. Salazar, "Indarapatra at Sulayman" ng Fil 11 YY ni Bb. Romero at "Aliguyon at Pumbakhayon" (Aliguyon) ng Fil 14 H ni Mr. De Guzman.

Tado at Erning, Fil 11 PPP

Asu Mangga at Baranugun, Fil 14 G

Simoun at Imuthis, Fil 11 MM

Fredo at Botong, Fil 14 D

Aliguyon at Pumbakhayon, Fil 14 H

Malakas at Maganda, Fil 11 FF

Pailalim ri Bolak at Sakandal ri Diwata, Fil 14 M


Ang mga hurado: Bb. Joi Salita, Prop. Roland Tolentino, Gng. Marietta Ze Se Ki

Friday, August 22, 2008

Sagala ng mga Sikat 2008, Huling Paalala

SAGALA NG MGA SIKAT 0808

Mga Huling Paalala

1. Nakareserba ang College Covered Courts para sa Sagala mula 5:30 n.u. hanggang 8:00 n.g. Maaari ninyong ipasok ang inyong arko sa CovCourts nang maaga.

  • Maaaring gamitin ang parking area ng Old Communications Department sa paglalagak at pagsasakay ng inyong mga arko.
  • Ipinapaalala ng University Physical Plant Office na ang pinakamaluwag na oras para ipasok ang arko ay 8:00 hanggang 10:00 ng umaga.
  • Huwag kalilimutang ilagay ang mga Car Pass sa windshield ng sasakyang magpapasok ng inyong arko.

2. May nakalaang espasyo para sa bawat arko sa loob ng Covered Courts. Ito ang inyong magiging teritoryo. Maaari rin ninyong ilagak ang inyong mga gamit sa espasyong nakalaan sa inyo. RESPONSIBILIDAD NG BAWAT MAG-AARAL ANG KANYANG GAMIT. KAPAG NAWALAN KAYO NG GAMIT, HINDI ITO PANANAGUTAN NG KAGAWARAN NG FILIPINO, NG P.E. DEPARTMENT O NG SECURITY GUARD.

3. Mayroon tayong MOBILE INFO BOOTH na maaari ninyong lapitan at pagtanungan kung may mga paglilinaw kayong nais malaman kaugnay ng kaayusan ng parada. Lapitan sina G. ALVIN YAPAN o G. JETHRO TENORIO

4. Mayroon tayong FIRST AID na makakatuwang para sa mga di-inaasahang pangyayari sa kabuoan ng Sagala ng mga Sikat. cLapitan si BB. PAMELA CRUZ o ang mga ROTC Medics

5. Ang mga arko na wala pa sa Covered Courts pagsapit ng 4:15 ay ilalagay sa hulihan ng parada. Hindi na maipapasok ang arko sa loob ng Covered Courts sa pagsisimula. Sa halip ay hihintayin ninyong lumabas ang mga arko para magparada bago kayo makakasunod. Pagbalik sa Covered Courts ay maaari na kayong pumunta sa nakalaang espasyo para sa inyo.

6. Ang bagong ruta natin ay:

  • Mula Covered Courts, lalabas ng Seminary Road papuntang Fr. Masterson, deretso hanggang sa entrance ng SEC Parking Lot, papasok ng College Lane, deretso hanggang sa Rizal Library Exit, kakanan ng University Road, deretso hanggang sa Fr. Masterson, kakanan at babalik sa Seminary Road, kakaliwa at babalik sa Covered Courts
  • Kung sakaling umulan (na nananampalataya tayong HINDI mangyayari) hindi na tayo lalabas ng Covered Courts para magprusisyon.
  • Alalahanin na matarik ang Seminary Road. Paghandaan ang pagtutulak ng arko sa bahaging ito ng parada.

7. Mayroong 4 HAND HELD MICS na magagamit para sa pagtatanghal.

8. Kung may tugtog at tunog kayong gagamitin para sa pagtatanghal, ipadala ang isang (1) kinatawan ng klase sa TECH BOOTH na nasa gilid ng audience area. Lapitan si G. JOHN TORRALBA habang nagtatanghal ang grupo bago ang inyong grupo.

9. Tiyaking walang maiiwang kalat/basura ang inyong arko pagkatapos ng palatuntunan. At TIYAKING HINDI NINYO IIWAN ANG INYONG ARKO SA PAARALAN pagkatapos ng Sagala.

10. Igagawad ang mga parangal sa KA Poetry Jamming na magaganap kinabukasan, Agosto 28, 2008 sa Escaler Hall, mula 4:30 hanggan 7:00 ng gabi. Tiyaking may makakapuntang kinatawan ang klase.

Tuesday, July 22, 2008

Sagala ng mga Sikat 2008 (Mga Natanggap na Lahok)

1. Crisostomo Ibarra at Imuthis
(Fil 11 MM, Dr. B. Santos)

2. Malakas at Maganda
(Fil 11 FF, Dr. Respeto)

3. Alwina at Aguiluz
(Fil 11 BB, Dr. Respeto)

4. Marina at Dugong
(Fil 14 P, Dr. Respeto)

5. Doña Victorina at Doña Consolacion
(Fil 14 O, Mr. Coroza)

6. Dorina at Laviña
(Fil 14 W, Mr. Coroza)

7. Manananggal
(Fil 14 B, Mr. Coroza)

8. Super Inggo
(Fil 11 VV, Mr. Madula)

9. Patayin sa Sindak si Barbara
(Fil 11 PP, Mr. Madula)

10. Kimikosa at Tirso
(Fil 11 D, Mr. Salazar)

11. Kalabog en Bosyo
(Fil 11 ZZ, Mr. Salazar)

12. John en Marsha
(Fil 11 NN, Mr. Salazar)

13. Pugo at Togo
(Fil 14 K, Mr. Salazar)

14. Muro-Ami
(Fil 14 D, Mr. Salazar)

15. Pailalam ri Bolak at Sakandal ri Diwata
(Fil 14 M, Mr. Samar)

16. Lumen at Lando ng Surf
(Fil 14 S, Mr. Samar)

17. Butsiki at Punong Baboy
(Fil 14 Q, Mr. Tenorio)

18. Aladin at Flerida
(Fil 11 DD, Mr. Tenorio)

19. Asu Mangga at Baranugun
(Fil 14 G, Mr. Tenorio)

20. Pagong at Matsing
(Fil 14 AA, Mr. Tenorio)

21. Urduja at Lim-Ang
(Fil 11 QQQ, Ms. Cruz)

22. Apo-Laki at Mayari
(Fil 11 HH, Ms. Oris)

23. Sarah ang Munting Prinsesa
(Fil 14 X, Ms. Oris)

24. Julio & Ligaya
(Fil 11 AAA, Ms. Pamintuan)

25. Aishte Imasu
(Fil 14 I, Ms. Pamintuan)

26. Strange Brew
(Fil 11 PPP, Ms. Pamintuan)

27. Indirapatra at Sulayman
(Fil 11 YY, Ms. Romero)

28. Varga at Valentina
(Fil 11 KKK, Ms. Romero)

29. Aliguyon
(Fil 11 H, Mr. De Guzman)

30. Daragang Magayon at Handiong
(Fil 11 CCC, Mr. Torralba)

Magkakaroon ng oryentasyon sa ika-24 ng Hulyo, Huwebes, alas-4:30 ng hapon. Makipag-ugnay sa Kagawaran ng Filipino o sa inyong guro para sa lugar ng pulong.

Monday, July 14, 2008

Timpalak Tula 2008 (Mga Tuntunin)

Mga Patakaran sa Pagsali

  1. Nilalayon ng Patimpalak-Tula na itanghal ang pagkamalikhain at talino ng mga mag-aaral na nais makibahagi sa pagpapakahulugan sa karanasang Filipino sa pamamagitan ng pagsulat ng tula. Itinataguyod ito ng Kagawaran ng Filipino kaugnay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Kultura. Inaasahang makapag-aambag ang mga mag-aaral ng Ateneo ng mahusay na tula na magpapamalas ng kanilang makabuluhang pakikiisa sa pagtaguyod ng wika at panitikang Filipino.
  2. Kinakailangang magpasa ng isang tula ang bawat kalahok. Malayang makapipili ang sinumang lalahok ng kanyang paksa. Maaaring magpasa ng mga tulang may sukat at tugma, maaari ring may malayang taludturan.
  3. Kinakailangang sundan ng mga ipapasang lahok ang sumusunod:
    Nakasulat sa wikang Filipino
    Apat na malinis na kopya
    Nakasulat sa 8½ x 11 bond paper
    Makinilyado (typewritten o computerized)
  4. Hindi dapat maglagay ng tunay na pangalan ng kalahok sa ipapasang tula. Sa halip, kailangang isulat ang pen name at I.D. number ng manunulat sa bawat kopyang ipapasa. Sa hiwalay na entry form isusulat ang mahahalagang impormasyon hinggil sa kalahok. Ilalagay ang apat na kopya ng lahok at ang entry form sa short brown envelope na nakapangalan sa:
    LUPON NG INAMPALAN
    Patimpalak-Tula
    Kagawaran ng Filipino
  5. Maaaring magsumite ng lahok mula ika-30 ng Hulyo hanggang sa ika-5 ng Agosto 2008, bago mag-4:30 ng hapon sa Kagawaran ng Filipino.
  6. Maliban sa posibilidad na mailathala ang kanilang tula sa Heights Literary Folio, tatanggap ang mga magwawagi ng sumusunod na gantimpala:
    Unang Gantimpala – P2,000
    Ikalawang Gantimpala – P1,500
    Ikatlong Gantimpala – P1,000
  7. Kinakailangang orihinal ang ipapasang lahok, hindi pa nailalathala sa anumang publikasyon, o naisali sa iba pang patimpalak.
  8. Angkin ng Kagawaran ng Filipino ang karapatang ilathala ang mga magwawaging akda.
  9. Mananatiling pangwakas at hindi magbabago ang pasya ng inampalan.
  10. Para sa mga tanong, makipag-ugnayan kay Bb. Carlota B. Francisco sa Kagawaran ng Filipino, 426-6001 loc. 5320.

Timpalak Sanaysay 2008 (Mga Tuntunin)

Mga Patakaran sa Pagsali

  1. Nilalayon ng Patimpalak Sanaysay na itanghal ang talino ng mga mag-aaral na nais makibahagi sa pag-aaral ng kulturang Filipino sa pamamagitan ng pagsulat ng sanaysay. Itinataguyod ito ng Kagawaran ng Filipino kaugnay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Kultura. Inaasahang makapag-aambag ang mga mag-aaral ng Ateneo ng mahusay na sanaysay na magpapakita ng kanilang makabuluhang pakikiisa sa pagtaguyod ng wika, panitikan at kulturang Filipino.
  2. Para sa taong ito, gagamiting tema ng timpalak ang “Musika at Kamalayang Makabayan” (Kundiman/novelty/rock/ R&B/country/awit pambata at iba pa).
  3. Kinakailangang sundin ng mga ipapasang lahok ang sumusunod:
    Naaayon sa paksang nabanggit
    Nakasulat sa wikang Filipino
    Apat na malinis na kopya
    May 5-10 pahina ang haba
    Nakasulat sa 8½ x 11 bond paper
    Makinilyado (typewritten o computerized)
    Laktawan (double-spaced)
  4. Hindi dapat maglagay ng tunay na pangalan ng kalahok sa ipapasang sanaysay. Sa halip, kailangang isulat ang pen name at I.D. number ng manunulat sa bawat kopyang ipapasa. Sa hiwalay na entry form isusulat ang mahahalagang impormasyon hinggil sa kalahok. Ilalagay ang apat na kopya ng lahok at ang entry form sa short brown envelope na nakapangalan sa: LUPON NG INAMPALAN Patimpalak-Sanaysay Kagawaran ng Filipino.
  5. Maaaring magsumite ng lahok mula ika-30 ng Hulyo hanggang sa ika-5 ng Agosto 2008, bago mag-4:30 ng hapon sa Kagawaran ng Filipino.
  6. Maliban sa posibilidad na mailathala ang kanilang sanaysay sa Matanglawin at Heights Literary Folio, tatanggap ang mga magwawagi ng sumusunod na gantimpala:
    Unang Gantimpala – P2,000
    Ikalawang Gantimpala – P1,500
    Ikatlong Gantimpala – P1,000
  7. Kinakailangang orihinal ang ipapasang lahok, hindi pa nailalathala sa anumang publikasyon, o naisali sa iba pang patimpalak.
  8. Angkin ng Kagawaran ng Filipino ang karapatang ilathala ang mga magwawaging akda.
  9. Mananatiling pangwakas at hindi magbabago ang pasya ng inampalan.
  10. Para sa mga tanong, makipag-ugnayan kay Bb. Carlota B. Francisco sa Kagawaran ng Filipino, 426-6001 loc. 5320.

Timpalak Awit 2008 (Mga Tuntunin)

Mga Patakaran sa Pagsali
  1. Bukas ang Timpalak Awit para sa lahat ng mag-aaral (mula una hanggang ikaapat na taon) ng Ateneo de Manila Loyola Schools. Kailangang isinulat ng isa o mga kasalukuyang (presently enrolled) mag-aaral ng Ateneo de Manila Loyola Schools ang awit (lyrics and music) na isasali sa timpalak.
  2. Maaaring love song, rap, R&B, rock, country, kundiman, at iba pa ang porma o uri ng awit na ilalahok, basta’t nakasulat sa wikang Filipino.
  3. Kung hindi umaawit ang/ang mga sumulat, maaari siya/silang kumuha ng aawit na isa ring kasalukuyang mag-aaral ng Ateneo de Manila Loyola Schools.
  4. Kailangang naka-record sa isang cassette tape o CD ang lahok. Ipapasa ito kasama ang tatlong (3) kopya ng titik/lyrics ng awit at pangalan ng/ ng mga sumulat. Ilagay ito sa loob ng isang short brown envelope na may nakasulat na “Timpalak Awit 2008” sa labas.
  5. Maaaring magsumite ng lahok mula ika-30 ng Hulyo hanggang sa ika-5 ng Agosto 2008. Dalhin ang mga kahingian sa Kagawaran ng Filipino, 3rd Floor Dela Costa Building at iIagay sa kahong nakalaan para sa mga lahok.
  6. Ilalabas ng Kagawaran ang limang (5) napiling finalist sa ika-22 ng Agosto 2008 (Biyernes).
  7. Ang limang mapipiling finalist ay maglalaban-laban sa ika-28 ng Agosto 2008, araw ng “KA: Poetry Jamming Session” na siya ring magsisilbing pagtatapos ng Buwan ng Wika at Kultura 2008.
  8. Kailangang itanghal nang live ang mga awit.
  9. Magkakaroon ng parangal para sa pinakamahusay na mang-aawit/interpreter at pinakamahusay na awit.
  10. Ang pasya ng Kagawaran ng Filipino at mga hurado sa finalist at mananalo sa araw ng KA: Poetry Jamming Session ay hindi na mababago.
  11. Para sa mga tanong, makipag-ugnayan kay Bb. Carlota Francisco sa Kagawaran ng Filipino, 426-6001 loc. 5320.

Thursday, July 10, 2008

Sagala ng mga Sikat 2008 (Mga Tuntunin)

A. Paglahok

Para sa taong ito, ang mga tambalang bida at side-kick (hal. Darna at Ding, Starzan at Chitae, Marimar at Fulgoso), bida at kontrabida (hal. Labaw Donggon at Saragnayan, Madame Claudia at Amor Powers), at love teams (hal. Kenkoy at Rosing, Fido at Dida, Noah at Lyka) ang tema ng Sagala.

Photobucket

Kinakailangang magpasa ang mga kalahok ng mga sumusunod na impormasyon:
  1. Ilang talata na naglalarawan at nagpapaliwanag ng halaga ng naisip na tauhan sa kontemporanyong mambabasa at manonood na Filipino;
  2. Sketch ng disenyo ng kasuotan at arko: (a) Hindi dapat lalampas sa sampu ang sasama sa arko ng bawat sagala, bawat isa’y kailangang lumakad sa ruta gaya ng nakaugaliang sagala; (c) Nakatakda ang sukat ng arko sa 6 x 6 x 8 ft. na may apat na poste; maaaring gumamit ng ilaw at generator; maaaring bitbitin o de-gulong.
    Photobucket
  3. Listahan ng mga posibleng materyales na gagamitin;
  4. Ang plano ng presentasyon: (a) Hindi lalampas ng dalawang minuto; (b) Maaaring kumanta, tumula, sumayaw at iba pang masining na pagtatanghal.
Isusulat/Iguguhit ang lahat ng impormasyon sa maikling bond paper nang hindi Ialampas sa limang pahina, laktawan at may talasanggunian kung kinakailangan. Ilagay ang mga ito sa brown envelope at isulat dito ang klase at seksyon sa Filipino at ang pangalan ng guro. Ipapasa ito sa ika-21 ng Hulyo 2008 (Lunes) hanggang 5 n.h. sa sekretarya ng Kagawaran ng Filipino.

B. Pagsasala

Pipiliin ng Komite ang pinakamaganda at pinakamaayos na plano ng mga arko: 25 mula sa mga mag-aaral at 10 naman mula sa iba't ibang unit at opisina sa pamantasan.

Ang mga sumusunod ang pagbabatayang pamantayan ng komite:
  • 40% Ispektakulo ng Disenyo at Kasuotan
  • 30% Kabuluhan ng Tauhan sa Kulturang Filipino
  • 30% Orihinalidad ng Konsepto at Kahandaan sa Pagpaplano

Makikita sa Kagawaran ng Filipino ang mga napiling kalahok sa ika-23 ng Hulyo 2008 (Miyerkules).

C. Presentasyon ng mga Sagala

Itatanghal ng mga kalahok ang kanilang mga arko at ang mga inihandang presentasyon sa ika-22 ng Agosto 2008 (Biyernes). Magsisimula ang prusisyon nang alas-singko ng hapon sa pagitan ng Gate 3 at Gate 2.5 (carpark area) at dadaan ito sa University Road, pakanan sa Masterson Drive, papasok sa College Lane, lalabas ulit sa University Road upang pumasok sa parade loop ng Bellarmine Field area. Magaganap ang pagtatanghal sa Bellarmine Field sa harapan ng Xavier Hall.

Kikilalanin ang pinakamahusay na lahok sa sagala ayon sa sumusunod na pamantayan:
  • 25% Ispektakulo ng Disenyo ng Arko at Kasuotan
  • 25% Kabuluhan ng Tauhan sa Kulturang Filipino
  • 25% Orihinalidad ng Konsepto .
  • 25% Dalawang-minutong Pagtatanghal

Magkakamit ang pinakamahusay na arko ng P5,000 at tropeo mula sa Kagawaran ng Filipino. Makatatanggap din ng mga premyo ang mga arkong magkakamit ng natatanging pagkilala sa pagtatanghal at pagganap, atbp.

Mananatiling pangwakas at hindi magbabago ang pasya ng inampalan. Bukas ang sagala at kumpetisyon sa lahat ng mag-aaral at empleyado ng Ateneo.

Photobucket
Photobucket

Photobucket

Photobucket

Photobucket

Photobucket

Photobucket

Photobucket

Photobucket

Photobucket

Photobucket

Photobucket

Photobucket

Photobucket

Photobucket

Photobucket

Photobucket

Photobucket

Photobucket