Monday, August 17, 2009

Pagmamakata sa Filipino, Pagmamakata at Pilosopiya

Isa itong audio recording ng panayam nina Prop. Michael M. Coroza ng Kagawaran ng Filipino at ni Prop. Jean Page-Tan ng Kagawaran ng Pilosopiya noong Agusto 12, 2009, 4:30 ng hapaon sa Leong Hall Auditorium. Tinalakay ni Prop. Coroza ang halaga ng makata sa sinaunang lipunan at ang kanyang posisyon sa isang mas kontemporanyong lipunan. Tinalakay naman ni Prop. Tan ang mga ideya nina Platon at Aristoteles tungkol sa sining partikular ang ideya ng mimesis.

I-download mula dito ang panayam nina Prop. Coroza at Prop. Tan.

Wednesday, July 29, 2009

Sagala ng mga Sikat 2009: Listahan ng mga Kalahok


KATOTO SA PANITIKAN AT KULTURANG POPULAR

Pagbati sa mga sumusunod na klase dahil kayo ang napiling lumahok sa Sagala ng mga Sikat ngayong taon.


1. Puting Tandang at Abuhing Aso mula sa Biag ti Lam-ang
(Fil 11 – S, G. Edgar Samar)

2. Panchito Alba sa mga pelikula ni Dolphy
(Fil 11 – KKK, G. Michael Coroza)

3. Mother Silveria mula sa Petrang Kabayo
(Fil 14 – T, Bb. Jema Pamintuan)

4. Chitae mula sa Starzan
(Fil 14 – M, G. Jethro Tenorio)

5. Flerida mula sa Florante at Laura
(Fil 11 – HHH, Dr. Coralu Santos)

6. Richie mula sa Home Along D’ Riles
(Fil 14 – H, G. Ariel Diccion)

7. Becky mula sa Sarah: Ang Munting Prinsesa
(Fil 14 – P, Bb. Lot Francisco)

8. Helen mula sa Magnifico
(Fil 11 – Z, Bb. Claudette Ulit)

9. Sisa mula sa Noli Me Tangere
(Fil 11 – CCC, Bb. Pam Cruz)

10. Pearly mula sa Marina
(Fil 11 – LLL, G. Aris Atienza)

11. Pagaspas at Lawiswis mula sa Mulawin
(Fil 11 – BBB, G. Ariel Diccion)
12. Lira mula sa Encantadia
(Fil 11 – SS, Bb. Jema Pamintuan)

13. Pilosopo Tasyo mula sa Noli Me Tangere
(Fil 11 – G Bb. Jema Pamintuan)

14. Anna Manananggal mula sa Dayo
(Fil 14 – K, Dr. Jerry Respeto)

15. Bakus mula sa Dyosa
(Fil 11 – VV, G. Edgar Samar)

16. Mga Kabaro ni Maria Clara mula sa Noli Me Tangere
(Fil 11 – III, G. Jayson Jacobo)

17. Rowena mula sa Tanging Ina
(Fil 14 – AA, G. Jethro Tenorio)

18. Nicolas Mora mula sa I Love Betty La Fea
(Fil 11 – CC, Bb. Pam Cruz)

19. Basilio mula sa El Filibusterismo
(Fil 11 – DDD, G. Jethro Tenorio)

20. Yaya mula sa Angelina at Yaya ng Bubble Gang
(Fil 11 – QQ G. Gary Devilles)

Magkakaroon ng GENERAL ORIENTATION ang lahat ng kalahok BUKAS, ika-30 ng HULYO, 4:30 n.h. – 6:00 n.g. sa 3RD FLOOR FACULTY LOUNGE ng Bulwagang Dela Costa. Magpadala ng 1 o 2 kinatawan ang bawat kalahok na klase para sa pulong na ito.

Kung may mga katanungan hinggil sa Sagala, sadyain si G. Jethro Tenorio o si Bb. Kristine Romero sa loob ng Kagawaran. Salamat.

Mula dito ang larawan.

Thursday, July 23, 2009

Sagala ng mga Sikat 2009

Meron KA! Sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Kultura 2009, muling ilulunsad ang paghahanda ng Pamantasan para sa pinakaaabangang kultural na selebrasyon, ang Sagala ng mga Sikat. Prusisyon ito ng iba’t ibang tauhan mula sa Panitikan at Kulturang Popular na Filipino na nagpapaligsahan para sa pinakamagandang arko at presentasyon.
Sa mga nagdaang Sagala, tampok ang mga pangunahing tauhang matatagpuan sa mga kilalang epiko, nobela, pelikula, at maging komiks. Subalit para sa taong ito, itatanghal naman ang tema na KATOTO upang gawing bida naman sa parada ang mga sidekicks, backup, o supporting characters. Papagningningin si Matutina, ang nagpapakasosyal na alalay ni Donya Delilah sa John en Marsha, si Ding na tagaabot ng bato ni Darna, si Lando na laging nakabuntot sa mga pakikipagsapalaran ni Flavio sa Ang Panday, si Menandro na matalik na kaibigan ni Florante, si Brosia na tangang katulong ng pamilya Sungcal sa Pugad Baboy.

Sasalain muna ang mga kalahok na mapapabilang sa Sagala ng mga Sikat. Kinakailangan ang ganitong proseso upang mapangalagaan ang kalidad ng mga sasaling arko sa prusisyon, at mapanatili ang bilang ng mga kalahok sa dalawampu (20) lamang. Bukas ang sagala at kumpetisyon sa lahat ng mag-aaral sa kolehiyo ng Ateneo.
Proseso ng Pagsasala:
1. Pipili ang bawat klase sa Filipino ng tauhan na nagmula sa Panitikan at Kulturang Popular na maaari nilang gawan ng arko para sa Sagala. Pagandahan ng arko ang paligsahan kung kaya dapat maaaring gawing ispektakulo ang pipiliing tauhan.
2. Gagawan ng write-up ng bawat klase ang tauhang nais ilahok sa paligsahan. Ipapaliwanag ng write-up ang kabuluhan ng napiling tauhan sa Panitikang Filipino at Kulturang Popular at kung bakit kailangang makilala ang nasabing tauhan ng kasalukuyang henerasyon ng mga mambabasa. Iguguhit na rin nila ang disenyo ng arko na sasalamin sa personalidad ng tauhan.
a. Ano ang ipapasa?
i. Write-up ng tauhan:
1. maglalaman ng pagpapakilala at pagbibigay-halaga sa nasabing tauhan.
2. dalawang pahina, double-spaced, short bond paper, 1” margins”, maglagay ng talasanggunian sa ikatlong pahina kung kinakailangan
ii. Disenyo ng arko:
1. max. floor area: 6 ft. X 6ft x 8 ft.[height]
2. kasama ang mga materyales na gagamitin sa arko.
3. IpinagbaBAWAL ang anumang trak at sasakyan, e.g. elf, 6 wheeler truck, etc.
4. Maaaring maglagay ng SARILING ILAW AT TUNOG sa pagbuo ng arko na pinapagana habang nagpaparada.
5. 10 TAO lamang ang maaaring sumama, lumulan at magbuhat sa mismong arko.
iii. Disenyo ng kasuotan ng mga tauhan
iv. Paglalarawan ng pagtatanghal ng pangkat:
1. Maaaring sayaw, kanta, talumpati, atbp.
2. Kasama ang mga equipment na gagamitin o kakailanganin.
3. 2 minuto bawat isa, may bawas sa puntos ang presentasyon na lalagpas sa takdang oras (-5 puntos kada 30 segundo)
4. Maaaring lumahok ang IBA PANG bahagi ng inyong klase sa pagtatanghal, dagdag sa 10 TAO na nakalulan sa arko.
b. Saan ipapasa? Sa dropbox sa loob ng Kagawaran ng Filipino
c. Kailan ipapasa? Bago mag-alas singko ng hapon, ika-22 ng Hulyo, 2009.
d. Paano pagpipilian ang mga lahok:
i. 40% Ispektakulo ng Disenyo ng Arko at Kasuotan
ii. 30% Kabuluhan ng Tauhan sa Kultura
iii. 30% Orihinalidad ng Konsepto
e. Kailan ilalabas ang listahan ng magiging kalahok sa sagala?
i. Ika-24 ng Hulyo
ii. Magkakaroon ng briefing ang mga finalists sa ika-27 ng Hulyo, TBA ang venue.
f. Mga Dapat Tandaan
i. Hindi nagdodoble ng lahok sa prusisyon para sa isang tauhan kung kaya hinihikayat ang mga mag-aaral na magpasa ng natatanging lahok.
ii. Maaaring magpasa ng lahok bago pa man ang araw ng palugit.

Pagmamarka ng Arko (sa mismong paligsahan)
25% Ispektakulo ng Disenyo ng Arko at Kasuotan
25% Kabuluhan ng Tauhan sa Kulturang Filipino
25% Orihinalidad ng Konsepto
25% Pagtatanghal
Itatanghal ng mga kalahok ang kanilang mga arko sa isang sagala na magsisimula sa Covered Courts, lalabas ng Seminary Road papuntang Fr. Masterson, deretso hanggang sa entrance ng SEC Parking Lot, papasok sa College Lane, deretso hanggang Rizal Library Exit, kakanan sa University Road, deretso hanggang sa Fr. Masterson, kakanan at babalik sa Seminary Road, kakaliwa at babaliksa Covered Courts para sa presentasyon at pagkilala sa pinakamahusay na arko at pagtatanghal.
Magkakamit ang pinakamahusay na arko ng P5,000 at regalo mula sa Kagawaran ng Filipino. Magbibigay rin ng sertipiko ng pagkilala ang Kagawaran sa pinaka-orihinal na konsepto, pinakamagarang kasuotan, etc.
Mananatiling pangwakas at hindi magbabago ang pasya ng inampalan.

Friday, July 17, 2009

Timpalak Blog FAQs

Magandang araw. Ako ang Timpalak Blog Ninja (TBN).

Timpalak. Blog. Ninja. Ako.

Tungkol sa paksa
Dear TBN,
Wassup? Nabasa ko sa previous post na "maaaring gawin ang anumang may kinalaman sa wikang Filipino." E di ba, kapag ginamit ko ang wikang Filipino sa blog entry ko, "may kinalaman" na sa wikang Filipino yun? Nice costume by the way. -Chris T.

Chris T.,
Talaga? Mura lang to. Heniwey, tama ka diyan. Isa yan sa mga dahilan kung bakit pinasimulan ang patimpalak na ito. Gusto naming makitang ginagamit ang wikang Filipino sa internet. Gusto naming makitang tinatalakay ang karanasang Filipino (kulektibo man o indibidwal) sa internet. *pasok: sweeping dramatic music*

Tungkol sa wika
Dear TBN,
I was parang like, you know, for example, wondering if keri lang ang hindi pormal na Pinoy language sa blog entry? -Kris A.

Kris A.,
Hindi kinakailangang pormal ang wikang gamitin sa blog entry. Basta nadala naman, okey lang yun. Uhuh

Tungkol sa anyo
Dear TBN,
3-5 pages? Marunong ba kayong mag-blog? Hindi niyo ba alam ang ibig sabihin ng hyperlink, graphics, comments, video, post-centrism etc.? Pang-essay ang pamantayan niyo! Lagim! Kutsilyo! Martilyo! Granada! -Teresa M.

Teresa M.,
I feel you, Teresa M. Inaalis na ng Kagawaran ang itinakdang haba ng mga lahok, dahil problematiko ang konsepto ng "haba" kung hypertext ang pinag-uusapan. Apir.

May tanong ka ba tungkol sa timpalak blog? Mag-iwan lang ng kumento at sasagutin ka ng Timpalak Blog Ninja (TBN). Rakenrol

Mula dito ang larawan.

Wednesday, July 15, 2009

TIMPALAK BLOG 2009

Mga Patakaran sa Pagsali

  1. Nilalayon ng Patimpalak Blog na itanghal ang talino ng mga mag-aaral na nais makibahagi sa pag-aaral ng kulturang Filipino sa pamamagitan ng paglikha ng blog. Itinataguyod ito ng Kagawaran ng Filipino kaugnay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Kultura. Inaasahang makapag-aambag ang mga mag-aaral ng Ateneo ng mahusay na blog na magpapakita ng kanilang makabuluhang pakikiisa sa pagtaguyod ng wika, panitikan at kulturang Filipino.
  2. Para sa taong ito, maaaring gawin ang anumang may kinalaman sa wikang Filipino. Ilan sa mga halimbawa ng paksa ang mga sumusunod: Mga Bagong Salita, Ang Wikang Balbal, Ang Bisa/Halaga ng Wikang Rehiyunal/Vernakular, Ang Wikang Filipino sa Global na Diskurso, Wika at Kasarian, Wika at Akademya, Ang Ambag ng OPM sa Wikang Filipino, Ang Wikang Filipino sa Pamantasang Ateneo, Ang Wika ng Kulturang Popular, at iba pa.
  3. Kinakailangang sundin ng mga lalahok ang mga sumusunod: a. Naaayon sa paksang nabanggit. b. Nakasulat sa wikang Filipino. c. Isang (1) blog entry na may 3-5 pahina ang haba ng teksto kapag inilipat sa Microsoft Word (laktawan). d. Maaari itong langkapan ng musika, mga larawan, o anumang bagay na makapagpapayaman sa nasabing blog entry.
  4. Magtungo sa Kagawaran ng Filipino upang sagutan ang tatlong (3) kopya ng entry form. Isulat dito ang pangalan, I.D. number, kurso at taon, gayundin ang link o address sa web ng inyong blog entry.
  5. Maaaring magsumite ng lahok mula ika-30 ng Hulyo hanggang ika-7 ng Agosto, bago mag-4:30 ng hapon sa Kagawaran ng Filipino.
  6. Tatanggap ang mga magwawagi ng mga sumusunod na gantimpala: Unang Gantimpala – P 2,000 || Ikalawang Gantimpala – P 1,500 || Ikatlong Gantimpala – P 1,000
  7. Siguraduhin na ang nakasulat na pangalan sa entry form ay siya ring nagsulat ng ilalahok na blog entry.
  8. Mananatiling pangwakas at hindi magbabago ang pasya ng inampalan.
  9. Para sa mga tanong, makipag-ugnayan kina Bb. Pamela Cruz at Bb. Claudette Ulit sa Kagawaran ng Filipino, 426-6001 loc. 5320.

TIMPALAK AWIT 2009

Mga Patakaran sa Pagsali

  1. Bukas ang Timpalak Awit para sa lahat ng mag-aaral (mula una hanggang ikaapat na taon) ng Ateneo de Manila Loyola Schools. Kailangang isulat ng isa o mga kasalukuyang (presently enrolled) mag-aaral ng Ateneo de Manila Loyola Schools ang awit (lyrics and music) na isasali sa timpalak.
  2. Maaaring love song, rap, R&B, rock, country, kundiman, at iba pa ang porma o uri ng awit na ilalahok, basta’t nakasulat sa wikang Filipino.
  3. Kung hindi umaawit ang/ang mga sumulat, maaari siya/silang kumuha ng aawit na isa ring kasalukuyang mag-aaral ng Ateneo de Manila Loyola Schools.
  4. Kailangang naka-record sa isang cassette tape o CD ang lahok. Ipapasa ito kasama ang tatlong (3) kopya ng titik/lyrics ng awit at pangalan ng/ng mga sumulat. Ilagay ito sa loob ng isang short brown envelope na may nakasulat na “Timpalak Awit 2009” sa labas.
  5. Maaaring magsumite ng lahok mula ika-30 ng Hulyo hanggang ika-7 ng Agosto 2009. Dalhin ang mga kahingian sa Kagawaran ng Filipino, 3rd Floor Dela Costa Building at ilagay sa kahong nakalaan para sa mga lahok.
  6. Ilalabas ng Kagawaran ang limang (5) napiling finalist sa ika-20 ng Agosto 2009 (Huwebes).
  7. Ang limang mapipiling finalist ay maglalaban-laban sa ika-26 ng Agosto, araw ng “KA: Poetry Jamming Session” na siya ring magsisilbing pagtatapos ng Buwan ng Wika at Kultura 2009.
  8. Kailangang itanghal nang live ang mga awit.
  9. Magkakaroon ng parangal para sa pinakamahusay na mang-aawit/interpreter at pinakamahusay na awit.
  10. Ang pasya ng Kagawaran ng Filipino at mga hurado sa finalist at mananalo sa araw ng “KA: Poetry Jamming Session” ay hindi na mababago.
  11. Para sa mga tanong, makipag-ugnayan kina Bb. Pamela Cruz at Bb. Claudette Ulit sa Kagawaran ng Filipino, 426-6001 loc. 5320.

TIMPALAK TULA 2009

Mga Patakaran sa Pagsali

  1. Nilalayon ng Patimpalak Tula na itanghal ang pagkamalikhain at talino ng mga mag-aaral na nais makibahagi sa pagpapakahulugan sa karanasang Filipino sa pamamagitan ng pagsulat ng tula. Itinataguyod ito ng Kagawaran ng Filipino kaugnay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Kultura. Inaasahang makapag-aambag ang mga mag-aaral ng Ateneo ng mahusay na tula na magpapamalas ng kanilang makabuluhang pakikiisa sa pagtaguyod ng wika at panitikang Filipino.
  2. Kinakailangang magpasa ng isang tula ang bawat kalahok. Malayang makapipili ang sinumang lalahok ng kanyang paksa. Maaaring magpasa ng mga tulang may sukat at tugma, maaari ring may malayang taludturan.
  3. Kinakailangang sundan ng mga ipapasang lahok ang mga sumusunod: a. Nakasulat sa wikang Filipino. b. Apat na malinis na kopya. c. Nakasulat sa 8½ x 11 bond paper. d. Makinilyado (typewritten o computerized).
  4. Hindi dapat maglagay ng tunay na pangalan ng kalahok sa ipapasang tula. Sa halip, kailangang isulat ang pen name at I.D. number ng manunulat sa bawat kopyang ipapasa. Sa hiwalay na entry form isusulat ang mahahalagang impormasyon hinggil sa kalahok. Ilagay ang apat na kopya ng lahok at ang entry form sa short brown envelope na nakapangalan sa: LUPON NG INAMPALAN, Patimpalak Tula, Kagawaran ng Filipino
  5. Maaaring magsumite ng lahok mula sa ika-30 ng Hulyo hanggang ika-7 ng Agosto 2009, bago mag-4:30 ng hapon sa Kagawaran ng Filipino.
  6. Bukod sa posibilidad na mailathala ang kanilang tula sa Heights Literary Folio, tatanggap ang mga magwawagi ng sumusunod na gantimpala: Unang Gantimpala – P 2,000 || Ikalawang Gantimpala – P 1,500 || Ikatlong Gantimpala – P 1,000
  7. Kinakailangang orihinal ang ipapasang lahok, hindi pa nailalathala sa anumang publikasyon, o naisali sa iba pang patimpalak.
  8. Angkin ng Kagawaran ng Filipino ang karapatang ilathala ang mga magwawaging akda.
  9. Mananatiling pangwakas at hindi magbabago ang pasya ng inampalan.
  10. Para sa mga tanong, makipag-ugnayan kina Bb. Pamela Cruz at Bb. Claudette Ulit sa Kagawaran ng Filipino, 426-6001 loc. 5320.